Sekyu, nagalit sa mga kasamahang 'bully', namaril

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 09:08 PM | Updated as of Nov 09 2017 12:50 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang security guard matapos barilin ang mga kapwa guwardiya sa loob mismo ng kanilang binabantayang opisina sa Bacoor, Cavite noong Oktubre 31.

Kinilala ang suspek na si Joseph Cempron.

Sa kuha ng CCTV sa loob ng tanggapan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Bacoor, makikita ang guwardiyang si Vicente Padillo na napabalikwas mula sa pagkakahiga matapos siyang magising dahil sa mga putok ng baril.

Tinangka pang lumabas ng pinto ni Padillo pero nilapitan siya ng kapwa sekyu at suspek na si Cempron at tinutukan ng baril hanggang sa sila'y magpambuno.

Bagaman may mga tama ng bala, tinulungan pa si Padillo ng isa pang guwardiya na si Angelico Martinez at pinalo ng upuan sa ulo si Cempron.

Makikita naman ang isa pang guwardiya na si Melvin Eullo na duguang gumagapang dahil sa tama ng bala sa kanang dibdib.

Tiyempo namang may mga rumorondang pulis nang oras na iyon kaya agad na itinakbo sa ospital ang mga biktima at inaresto ang suspek.

Nasa ligtas nang kondisyon ang mga biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang mga guwardiya nang magkaroon ng pagtatalo.

Sa salaysay ng mga biktima sa pulisya, nagagalit si Cempron sa kanilang agency dahil sa maliit na sahod.

Iginiit naman ni Cempron na napuno na lang siya dahil sa madalas na pambu-bully ng kaniyang mga kasamahan.

"Nagsisisi naman, sir. Kaso lang... sana naman kung may pagkakamali ako, sana maisip din ang pagkakamali nila," ani Cempron.

Labis ang pagsisisi ng suspek sa kulungan, lalo't siya ang inaasahan ng kaniyang tatlong anak.

Nahaharap sa two counts of frustrated homicide at attempted murder si Cempron.

May paalala rin ang pulisya sa mga guwardiya.

"Number 1 rule ho 'yon, huwag tayong mag-iinom, guwardiya man o pulis, ay bawal mag-inom sa oras ng duty," ani SPO1 Michael Legaspi, case investigator ng Bacoor Police.

Samantala, papalitan na ng BIR ang kanilang security agency dahil sa insidente.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.