Regular na inspeksiyon sa mga parlor, spa sa Baguio, ipinapanukala

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 06:48 PM

Sari-saring sakit at impeksiyon na maaaring makuha sa kakulangan ng kalinisan sa parlors at spa ang nagtulak sa isang opisyal na magpanukala ng ordinansang mag-aatas sa City Health Services Office na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa mga nasabing establisyimento.

Ani Councilor Elaine Sembrano, napakahalaga ng paniniguro ng sanitasyon sa nasabing uri ng negosyo para sa kaligtasan at kalusugan ng mga kustomer. 

"Kapag hindi nalilinis mabuti ang mga instrument, andiyan ang fungal infection na nakukuha natin...Sanitation is very important pagdating sa mga ganitong negosyo," ani Sembrano.

Ayon naman kay Dr. Charito Bueno, sanitation officer ng lunsod, dapat ay siguruhin ng mga nasa parlor na ang kanilang mga kagamitan ay nadi-disinfect. 

"Iyong apron nilang pang-hairdressers, kailangang labhan din iyan. Hindi iyong gagamitin nila nang ilang beses, kasi hindi natin alam na iyong mga tao pala ay may mga sakit na puwedeng mai-transfer," saad ni Bueno.

Kahit wala pa ang nasabing ordinansa ay tinututukan naman daw ito City Health Services Office lalo na't nakapaloob sa Presidential Decree 856 o Code on Sanitation of the Philippines ang mga ito. 

Ayon kay Bueno, sa bisa nito, ang mga lalabag ay maaaring magmulta at mawalan ng lisensiya sa pagnenegosyo. 

Hindi naman pumalag dito ang mga customer at nagpapatakbo ng salon.

"Unang-una iyong mga gamit sa salon kinakailangang talagang i-sanitize, malinis lahat, pati iyong mga apron, mga gunting, mga nippers, iyong mga sa buhok, iyong mga suklay, dapat malinis lahat iyon," paliwanag ni Regie Barlim, isang salon manager. 

Aprubado na ang panukalang ordinansa sa unang pagbasa nito sa konseho at ini-refer na sa City Health Services Office para mahingan sila ng karagdagang komento.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.