'Pinas, pinalampas ang tsansang igiit ang pinag-aagawang teritoryo'

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 10:45 PM | Updated as of Nov 10 2017 01:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Magpapatayo sana ang pamahalaan ng Pilipinas ng mga nipa hut para sa mga mangingisdang Pilipino sa Sandy Cay na binubuo ng mga sandbar malapit sa Pag-asa island sa West Philippine Sea. 

Pero ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ipinatigil ito ni Pangulong Duterte.

"The Chinese reacted and the President came to know about this and he said ‘let's pull out’. So, we left and the dispute, the tension was lowered again," ayon kay Lorenzana. 

Bago rin umalis para sa APEC Summit sa Vietnam, sinabi ni Duterte na mas maiging tiyaking hindi iigting ang tensiyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.

"Ang China naman, they allowed us to fish. They go to the Pag-asa and I might as well, sabi ko 'you can go there for a visit.' As a matter of fact, you can shake hands with the commander there of the military. I will tell the military men to treat you to a lunch. But do not do anything that will disturb the equilibrium now present there," ani Duterte.

Nauna nang nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na maituturing na pananakop ng China ang pagpapadala ng barko nito sa Sandy Cay. 

Ayon naman kay Lorenzana, mga mangingisda lang ang nasa lugar pero umalis na rin umano sila, mula Pilipinas man o China. 

Ngayong magkakaroon muli ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meetings, hinikayat naman ni dating Department of Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang mga leader na itaguyod ang international law para maiwasan ang ganitong problema kabilang ang militarization ng lugar. 

Babala ni Del Rosario, kung hindi ito magagawa ay mawawalan ng saysay ang ASEAN. 

"If ASEAN pursues an over-abundance of caution, it’s becoming only a bystander to the events within its own region,” ani Del Rosario. 

Para naman kay Professor Jay Batongbacal ng University of the Philippines, nasayang ang pagkakataon ng Pilipinas na igiit ang isyu bilang ASEAN chair dahil pinili nitong ibaon ang isyu ng militarization at dredging ng China sa karagatan. 

"Our opportunities were in the previous ones, the next summit is about the turnover na. And when it comes to South China Sea... the tone has already been set,” ani Batongbacal. 

Nabuo man ang framework o balangkas, matagal pa bago magkaroon ng inaasam na code of conduct at hindi rin tiyak kung mapipigilan nito ang pagpapatayo sa mga isla. 

Maaaring makatulong na lang ang code of conduct na hindi palalain ang krisis sa karagatan. 

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.