Pagpapayaman gamit ang posisyon sa SSS, matagal nang gawain?

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 09:43 PM | Updated as of Nov 08 2017 09:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bukas ang Social Security System (SSS) sa imbestigasyon laban sa ilang matataas nilang opisyal na umano'y kumita o nagpayaman gamit ang kanilang mga posisyon.
    
Sa pahayag ng Social Security Commission na tagapangasiwa ng mga polisiya ng SSS, sinabi nitong alinsunod sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte, bumuo sila ng komite upang imbestigahan ang pananagutan ng sinumang sangkot sa kurapsyon. 

"Officials under investigation will have their day in court," pagsiguro ng mga commissioners sa kanilang inihandang pahayag. 

Kaugnay ito ng kasong "serious dishonesty and grave misconduct" na isinampa ni Commissioner Jose Gabriel "Pompee" La Viña laban sa apat na matataas na executives ng ahensiya.

 Alegasyon ni Laviña, ginamit nina Executive Vice President for Investments Rizaldy Capulong at tatlong iba pa ang kanilang puwesto para kumita ang kanilang personal stocks imbes na gumawa ng investment para sa ikalalago ng pondo ng SSS.

Nagbitiw na sa puwesto ang dalawa sa mga naakusahan.

Dati nang gawain?
    
Tingin naman ng grupong Bayan Muna, matagal nang gawain ng ilang SSS official ang ganitong uri ng pagpapayaman.

"Hindi dapat magtapos sa apat, tignan din natin ang mga nakalipas [na opisyal at] silipin yung mga investments [nila]," ani Rep. Carlos Zarate ng Bayan Muna party-list.

Ayon kay Zarate, malaki ang epekto ng mga alegasyon sa mismong buhay ng pension fund.
    
Nakaamba kasi ngayon ang hirit na itaas ang kontribusyon ng mga miyembro sa 12.5% mula sa dating 11% para na rin mapalawig ang buhay ng pondo ng SSS.
    
Pero kung totoo ang alegasyon, lumalabas na hindi lang ginagawa ng mga opisyal ang kanilang trabaho at sa halip ay pinagkakitaan pa ang kanilang puwesto.
    
Bukod kasi sa koleksiyon, isa sa paraan para palawigin ang buhay ng pension fund ay ang paglalagay nito sa tamang investments para kumita, madagdagan at masigurong masusuportahan lahat ng pangangailangan ng mga miyembro gaya ng mga loan at pensiyon.

Dismayado naman ang maraming SSS members sa bagong kontrobersiyang kinasasangkutan ng ilang SSS officials.

Dati na rin kasing kinuwestiyon ang malalaking suweldong tinatanggap ng mga opisyal.

Isang resolusyon ang inihain ng grupong Bayan Muna para imbestigahan ng Kamara ang nasabing isyu.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.