P5-M halaga ng shabu, nakumpiska mula sa 2 Nigerian

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 01:05 PM | Updated as of Nov 08 2017 04:00 PM

Photo courtesy of PDEA-Camarines Sur

Dalawang Nigerian national ang arestado matapos mahulihan ng P5-milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation, Miyerkoles ng madaling araw sa Cavite.

Nakilala ang mga suspek na sina Solomon Lewi Anochiwa, 34-anyos ng Kawit, Cavite at Desmond Chima Ozoma, 35, ng Bicutan, Parañaque.

Isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P5 milyon ang naibenta ng dalawang suspek sa isang poseur buyer sa operasyon na ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency ng Camarines Sur at Region 4-A sa kahabaan ng Centennial Road sa Kawit, Cavite.

Pinursige ng PDEA-Camarines Sur na madakip ang dalawang Nigerian matapos silang ikanta ng isa sa apat na nahuli ng awtoridad na si Olivia Encinas sa isang buy bust operation sa Almeda Highway, Naga City noong Nobyembre 4.

Ayon umano kay Encinas, sila Anochiwa at Ozoma rin ang isa sa kaniyang suppliers ng shabu na ibinebenta niya naman sa kabikolan at Visayas region.

Nahaharap sa paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sila Anochiwa at Ozoma.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.