P1 milyong multa sa paaralang magpapabaya sa hazing, isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 06:31 PM | Updated as of Nov 08 2017 06:44 PM

Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na pagmultahin ang mga paaralang mapatutunayang nagpabayang pangasiwaan ang mga samahang nagsasagawa ng hazing.

Nakapaloob ang mungkahi sa Senate Bill (SB) 199 na akda ni Gatchalian at naglalayong palitan ang umiiral na Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law of 1995.

Sa ilalim ng panukala, pagmumultahin ng aabot sa P1 milyon ang mga educational institution upang sila'y magkaroon ng pananagutan at magpatupad ng mas mahihigpit na patakaran kontra hazing.

Kaugnay ito sa kaso ni Horacio Castillo III, ang University of Santo Tomas (UST) student na nasawi matapos sumailalim sa hazing rites ng Aegis Jvris Fraternity.

Ayon kay Gatchalian, lumalabas sa imbestigasyon ng Senado na nagtalaga ng adviser ang pamunuan ng UST at UST Faculty of Civil Law para sa Aegis Jvris upang tutukan ang mga aktibidad nito.

Sa kabila nito, walang naiuulat na insidente ng hazing ang adviser. Kaya, ani Gatchalian, maaaring sabihing hindi epektibo ang paaralan sa pagtutok sa mga fraternity.

"Naglagay sila ng adviser na sabi nakatutok sa mga aktibidad ng Aegis Jvris, pero for six years, wala silang na-detect na hazing sa kanilang eskuwelahan. So it's safe to say that the school was ineffective in stopping hazing," ani Gatchalian.

Bukod rito, mungkahi rin ng SB 199 ang pagpapakulong sa mga taong mapatutunayang may kinalaman sa pagkukubli ng hazing.

Haharap sa reclusion temporal, o pagkakakulong ng 12 hanggang 20 taon, ang sinumang mapatutunayang nakikialam sa imbestigasyon hinggil sa insidente ng hazing. 

Lumutang kaugnay sa kaso ni Castillo ang isang Facebook chat ng mga nakatatandang miyembro ng Aegis Jvris na tila nagkasundong pagtakpan ang krimen na nagawa kay Castillo.

Ikinalungkot ni Gatchalian na mismong mga abogado ang nagtuturo sa kanilang mga nakababatang "brods" na itago ang nangyari sa 22 taong gulang na si Castillo. -- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.