Noynoy, kinasuhan ng Ombudsman dahil sa 'kapabayaan' sa Mamasapano

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 07:02 PM

Sinampahan na ng kasong graft at usurpation of official functions si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III dahil sa umano'y partisipasyon nito sa pumalpak na Mamasapano operation na ikinamatay ng higit 60 katao noong 2015.

Sa information na isinumite ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, sinabi nitong dapat mapanagot si Aquino sa kaniyang kapabayaan sa nasabing insidente. 

Ayon sa Ombudsman, nilabag ni Aquino ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang hikayatin nito ang suspendidong Philippine National Police chief Alan Purisima na suwayin ang chain of command.

Samantala, usurpation of official functions ang ikinaso kay Aquino nang iatas nito kay Purisima ang pangangasiwa sa "Oplan Exodus" na layong hulihin ang teroristang si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan.

Hulyo nitong taon nang makitaan ng probable cause ng Ombudsman na kasuhan si Aquino. 

Sinubukang baliktarin ni Aquino ang desisyon ng Ombudsman ngunit ibinasura rin ang kaniyang mosyon. 

Nauna nang iginiit ni Aquino na hindi siya dapat mapanagot sa pagkasawi ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF). Aniya, nakabibigla umano ang naging desisyon ng Ombudsman.

44 na SAF personnel ang napatay sa engkuwentro. 

Gayunpaman, hindi nakitaan ng rason ng Ombudsman na kasuhan si Aquino ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries sa Mamasapano, dahilan para ikagalit ng ilang kaanak ng SAF 44.

Maaaring magpiyansa si Aquino sa halagang P40,000, ayon sa rekomendasyon ng Ombudsman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.