Mga migrante, hiling na pag-usapan ang kanilang kalagayan sa ASEAN Summit

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 04:42 PM


MANILA - Nag-protesta ang nasa 50 overseas Filipino worker (OFW) kasama ang militanteng grupong Migrante, Miyerkoles, para hikayatin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na bigyan ng proteksiyon ang kanilang sektor. 

Idinaos ng grupo ang protesta sa tapat ng tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration sa Mandaluyong ilang araw bago ang nakatakdang pulong ng mga lider ng ASEAN sa Pilipinas. 

Giit ni Arman Hernando, tagapagsalita ng Migrante, dapat pag-usapan sa ASEAN Summit ang kalagayan ng mga OFW at kung papaano sila mabibigyang proteksiyon sa labis na pagtatrabaho.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kabilang sa mga nagprotesta ang ilang OFW mula sa Taiwan, na naghain din ng reklamo laban sa kanilang mga employer at mga ahensiya na nagrecruit sa kanila. Siningil umano sila ng mga ito ng placement fee na mas malaki pa sa kanilang mga buwanang sahod. 

Nakatakdang magsagawa ng ilan pang kilos protesta ang Migrante habang isinasagawa ang ASEAN Summit sa bansa sa susunod na linggo. --Ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News