Mga kulungan, dapat ilipat sa mga probinsiya: PDEA

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 11:21 PM

Dapat nang gibain ang mga lumang kulungan at ilipat ang mga ito sa mga probinsya, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Aaron Aquino.

Ayon kay Aquino, dapat nang gibain ang kontrobersyal na New Bilibid Prisons at Correctional Institution for Women. Bukod sa luma na, hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nawawala ang drug trade sa loob ng mga piitan.

Isa sa mga paraan na nakikita ni Aquino ay ilipat ang mga jail facility sa probinsya o mga lugar na malayo sa mga siyudad. Ayon sa kanya, makakatulong ito para talagang mamonitor ng maigi ang mga aktibidad ng mga inmate.

"Yun ang pinaka-vision ko ano kasi knowing exactly the location of these two jail facilities, it is not an ideal place kung makikita mo from top view eh. Puro mga squatter nakapaligid dito sa buong jail facility. You just have to throw shabu doon sa kabilang fence papasok sa loob para maipasok ang shabu and jail facilities should be placed in a remote area away from the communities," ani Aquino.

Dagdag ni Aquino, dapat na ipagpatuloy ang pasilidad sa Nueva Ecija. Malaki man ang magagastos dito, naniniwala si Aquino na ito lang ang natatanging paraan para mahinto ang pamamayagpag ng bentahan ng droga sa mga piitan.

Dahil plano pa lamang ito, bilang tugon sa problema nakatakdang magtayo ang PDEA ng opisina sa mga nasabing kulungan. 

"Ang purpose noon ay so we can have a 24 hours PDEA visibility (and) secondly, we can regularly perform our greyhound operations," ani Aquino.

Kabilang din sa plano ni Aquino ang paghiling ng karagdagang budget na P2.5 billion para sa ahensya. 

Sa pamamagitan daw nito, makapagdadagdag sila ng hindi bababa sa 1,000 bagong agent kada taon. Patuloy din ang mga training ng mga agent, mga K9 unit, at kabuuang staff ng ahensya sa iba't ibang rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.