Lalaki natagpuang patay sa pananaksak sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 08:53 PM

Hindi pa nakikilala ang biktimang nagtamo ng mga saksak sa katawan at iniwan ang mga labi sa Alaminos, Laguna nitong Lunes. Retrato mula sa Alaminos Police

Natagpuang patay ang isang lalaking nagtamo ng mga saksak sa katawan sa Alaminos, Laguna nitong Lunes.

Nakita ang bangkay ng biktima bandang alas-5 ng umaga sa harapan ng isang subdivision sa Barangay San Miguel, Alaminos.

Ayon sa pulisya, wala pang pagkakakilanlan ang lalaki na nasa edad 35 hanggang 40 anyos, 5’2" hanggang 5’4" ang taas at may suot na gray na t-shirt at asul na shorts.

"Base sa initial assessment natin nung makita natin 'yung bangkay, nakita na may saksak sa dibdib at saka ilang sugat sa braso, pero mas probably ang nakamatay sa kaniya 'yung saksak sa dibdib,” ani SPO1 Bernard Anciado, hepe ng imbestigasyon sa Alaminos Police.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na maaaring dinala lang ang bangkay mula sa ibang lugar bandang alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na tulungan silang tukuyin ang pagkakakilanlan ng biktima para sa pag-usad ng kaso at makipag-ugnayan sa pamamagitan ng numerong 09469733557.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.