Kenneth Dong, laya na; kasong rape, iniatras

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 04:23 PM

MANILA - Nakalaya na mula sa kulungan ang negosyanteng si Dong Shi Yen alyas Kenneth Dong na iniuugnay sa P6.4 bilyon na halaga ng shabu mula Tsina matapos iurong ang kasong rape laban sa kanya.

Inakusahan si Dong ng panggagahasa sa isang businesswoman sa loob ng isang townhouse sa Parañaque noong Abril 9, 2016.

Ayon kay John Ungab, abogado ni Dong, naghain ang complainant ng affidavit of desistance na nangangahulugang iniaatras na niya ang kaso kaya ibinasura ito ng Parañaque Regional Trial Court Branch 195.

Dahil dito, nakalabas aniya ng Parañaque City jail si Dong nitong Lunes.
 
Hindi idinetalye ni Ungab kung bakit umatras sa reklamo ang biktima.
 
Matatandaang inaresto ng NBI si Dong noong Augosto 15 matapos siyang dumalo sa pagdinig ng Senado sa mahigit 600-kilo ng shabu na nadiskubre sa Valenzuela.

Sinasabing si Dong ang nagsilbing middleman ng negosyanteng si Chen Ju Long alyas Richard Chen o Richard Tan, may-ari ng bodega kung saan nadiskubre ang droga.

Nitong Miyerkoles, dumalo si Dong sa preliminary investigation ng kaso sa Department of Justice.

Nagsumite siya ng rejoinder kaugnay ng umano'y paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.