Grab driver, 'nanlaban' kaya nabaril: gunman

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 07:12 PM

Nanlaban umano ang Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr. kaya siya binaril ng suspek noong Oktubre 26 habang hinoholdap sa lungsod ng Pasay.

Hindi itinanggi ng 25 anyos na suspek na si Narc Delemios ang krimen nang sumuko siya sa mga pulis matapos ang halos dalawang linggong manhunt operation.

Natagpuan ang bangkay ni Maquidato na may tama ng bala sa ulo sa isang bangketa sa Pasay.

Paliwanag ng suspek, holdap lang ang pakay niya pero napilitan siyang barilin ang biktima nang manlaban ito.

"Pera lang po ang gusto kong kuhain sa kaniya pero ininsist po niya, lumaban po siya kaya ko po nagawa yung krimen," ani Delemios nang iharap siya sa publiko nitong Miyerkoles.

'Parang hayop'

Nakaharap din ng suspek ang pamilya ni Maquidato.

Hindi maunawaan ng asawa ng biktimang si Brenda kung bakit kinailangan pang patayin ang kaniyang asawa.

Sana raw ay kinuha na lang ng suspek ang lahat ng pera ng biktima.

Labis naman ang galit ng ina ni Maquidato na si Maximiana sa suspek.

"Parang hayop ang ginawa mo sa kaniya. Masahol ka pa. Pagsisisihan mo habang buhay 'yang ginawa mo," pahayag ni Maximiana.

Hindi pa rin matanggap ng pamilya ng biktima ang sinapit ng kaanak na minsan nang pinarangalan sa pagiging huwarang driver.

 Natunton sa Facebook

Ayon sa Philippine National Police (PNP), natukoy ang pagkakakilanlan ni Delemios dahil ginamit niya ang Facebook account ng kaniyang nobya para ma-book ang sasakyang minamaneho ni Maquidato.

Nabawi ang Toyota Innova na minamaneho ng biktima na itinago ng suspek sa Tarlac.

Bakas pa ang tama ng bala sa windshield ng sasakyan at ang dugo sa loob nito.

Nababahala naman ang PNP dahil hindi ito ang unang beses na hinoldap ang isang transport network vehicle service (TNVS).

Nangako naman ang Grab Philippines na paiigtingin ang seguridad ng kanilang mga tauhan.

Nahaharap sa kasong murder si Delemios at inaalam kung may kasabwat pa siya sa ginawang krimen.

May warrant of arrest din si Delemios kaugnay sa pagpatay sa 19 anyos na si Gino Balbuena noong 2014 sa Parañaque.

-- Ulat ni Raffy Santos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.