Duterte, tatalakayin ang S. China Sea sa mga pulong kasabay ng APEC

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 06:26 PM

Kabilang ang isyu sa South China Sea sa tatalakayin ni Pangulong Duterte sa iba pang lider na dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Vietnam.

Bago umalis papuntang Vietnam, sinagot ni Duterte ang tanong ng ilang miyembro ng media tungkol sa kaniyang agenda sa APEC Summit.

Inaasahang magbibigay ng mensahe ang pangulo sa isang bahagi ng nasabing pulong, gayundin si Chinese President Xi Jinping.

Ayon kay Duterte, napapanahong pag-usapan ang isyu ng South China Sea sa mga pulong na kasabay ng APEC Summit.

"It's about time, either in the bilateral or the plenary [meetings], I should be bringing this important matter to the surface," ani Duterte. "It's about time that ASEAN countries, not really to confront, but to make clear to us, what China really wants."

Paliwanag ni Duterte, hindi lang naman Tsina ang dapat na makausap tungkol dito dahil may iba pang bansang umaangkin din sa mga pinag-aagawang teritoryo.

"If I engage China now, I will have to engage the five other [countries]. It will be something like a scramble there, because if China concedes to one—Philippines—it has to concede to others." 

Aniya, handa rin siyang makipag-usap kay US President Donald Trump kaugnay nito, pero hihintayin niya rin muna kung ano'ng magiging posisyon ng Amerika tungkol sa Tsina.

"The Philippines is not beholden to anyone," ani Duterte. "I will not go there as a subservient lackey of anyone."

Sa ngayon, nakatuon muna ang Pilipinas sa pagtitiyak na hindi iigting ang tensiyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pinahinto ni Duterte ang mga itinatayong kubo para sa mga mangingisdang Pinoy sa pinagtatalunang Sandy Cay, grupo ng sandbars na nasa layong 2.5 milya mula sa Pag-asa Island na inookupa ng Pilipinas.

Ayon kay Lorenzana, inireklamo ng Tsina na lumalabag ang Pilipinas sa kasunduang huwag mag-okupa ng mga bagong land features sa lugar.

"Ang China naman, they allowed us to fish. They go to the Pag-asa and I might as well, sabi ko 'you can go there for a visit.' As a matter of fact, you can shake hands with the commander there of the military. I will tell the military men to treat you to a lunch. But do not do anything that will disturb the equilibrium now present there," ani Duterte.

Bukod sa South China Sea, makikipagdayalogo si Duterte sa mga pinuno ng APEC para isulong ang inclusive growth o paglagong ramdam ng lahat ng sektor ng lipunan.

Tatalakayin niya rin sa APEC ang pangkalahatang seguridad sa rehiyon, hindi lamang sa banta ng terorismo at giyera, kundi pati na rin ang food security o seguridad sa pagkain mula sa sektor ng agrikultura. 

Umalis nitong hapon ng Miyerkoles si Duterte para sa pulong sa Vietnam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.