Bilyon-bilyong pondo para sa 'Yolanda' rehab, saan napunta?

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 11:18 PM

Bumuhos ang tulong mula sa iba't-ibang bansa matapos manalasa ang bagyong ‘Yolanda’ apat na taon na ang nakakaraan.

Sa mga dokumento ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman, umabot sa P73.3 bilyon ang international donations pero hindi napunta sa gobyerno ang lahat ng ito. 

Base sa dokumento, P17.2 bilyon lang ang aktuwal na natanggap ng nakaraang administrasyong Aquino. 

Ibinigay ang karamihan sa United Nations at international organizations. 

Nasa P2 bilyon lang din sa P17.2 bilyon ang napunta sa gobyerno dahil ibinigay sa mga local non-government organization ang halos P15 bilyon.

Tig-isang bilyong piso ang napunta sa Department of Health at DSWD, at sa iba pang ahensiya ang natira.

Ginastos ang P1.1 bilyon ng DSWD sa konstruksiyon ng mga emergency at transitional shelters, cash for work, livelihood assistance, pagbili ng mga bangka at pedicab, feeding program, civil registry, at marami pang iba.

Pero sa pananaliksik ng IBON Foundation, trahedya pa ring maituturing ang rehabilitasyon sa ‘Yolanda.’

Sa 86 na resettlement sites sa Eastern Visayas, lima lang umano ang may tubig habang 27 ang wala pa ring kuryente.

Sa 282,000 ektarya ng niyugang nasira, 41,149 ektarya pa lang ang natataniman.

“‘Yung distribution ng tools ay hindi rin nagawa, the farming tools. So wala talagang natira doon sa gamit nu'ng magsasaka,” ani Rosario Bella Guzman, executive director ng IBON Foundation. 

May pondo pang para sa Yolanda ang inilipat ng gobyerno sa Marawi ngayong taon. 

“Very criminal kung titingnan natin. Medyo scandalous siya considering that both victims, whether national hazard or war, are really reeling from poverty and other miserable situation," ani Guzman. 

Ayon sa isang kongresista, pinag-aaralan na ang pagsasampa ng isang class suit laban sa mga opisyal ng dating administrasyon.

Pero hindi rin umano lusot ang kasalukuyang gobyerno.

"Kung walang reevaluation sa kanilang mapping diyan, sa kanilang strategy, they could form part of the accountability," ayon kay Rep. Ariel Casilao ng Anakpawis party-list.

Nanawagan ang Community of Yolanda Survivors and Partners sa administrasyon na tuparin na ang umano’y napakong pangako nito noong isang taon na tatapusin ang rehabilitasyon sa loob ng tatlong buwan.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.