Amerikanong may kasong sexual assault, naaresto sa Naga City

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2016 03:48 PM | Updated as of Nov 08 2016 06:37 PM

Arestado sa Naga City ang isang Amerikanong may kasong sexual assault sa Estados Unidos. Photo courtesy of NBI-Bicol Region.

NAGA CITY - Inaresto ng mga otoridad sa Naga City ang isang Amerikanong may kasong sexual assault sa Alabama, Estados Unidos.

Ipinatawag sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 21 taong gulang na si Danilyn Sidora, na dating kasintahan ng 62 taong gulang na Amerikanong si James Chaffin Ballard.

Si Ballard, na tumakas mula sa Estados Unidos, ay may warrant of arrest mula sa Lee County, Alabama, para sa kasong sexual assault.

Ayon kay NBI-Bicol Region Director Atty. Tomas Enrile, humingi ng tulong sa kanila ang US Embassy upang maaresto si Ballard.

Dagdag pa ng NBI, hindi lang simpleng kaso ng panggagahasa ang ikinaso kay Ballard. Kinukuhanan pa umano ng video ni Ballard, na isang retiradong miyembro ng US Army, ang pangmomolestiya niya sa kanyang apo.

Nasa kamay din ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang kopya ng mga sex tapes na nasamsam sa bahay ni Ballard sa US.

Naaresto nitong Lunes si Ballard sa tinutuluyan niyang bahay sa Barangay Tinago sa Naga City.

Ayon kay Sidora, isang linggo na silang hiwalay ni Ballard dahil hindi niya gusto ang pag-uugali nito.

Setyembre ng makilala ni Sidora sa isang dating website si Ballard. Akala niya noong una ay biro lang ang pagpunta ni Ballard dito sa Pilipinas, ngunit dumating nga ito noong ika-16 ng Setyembre.

Desidido umano si Ballard na pakasalan siya at manatili sa Pilipinas. Ngunit napansin ni Sidora na ayaw ni Ballard na lumabas ng kaniyang apartment na parang nagtatago.

Diin ni Sidora, wala siyang alam sa kaso ni Ballard sa US. Problema din ng kanyang pamilya ang perang hiniram ni Ballard sa kanyang nanay.

Ibinyahe na ngayong araw papuntang Maynila si Ballard. Nakatakda siyang i-deport pabalik sa Estados Unidos sa susunod na buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.