#WalangPasok: Klase sa Cagayan, suspendido dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 07:40 AM

MANILA - Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Cagayan ngayong Martes, inanunsyo ng provincial information office (PIO).

Ayon sa pahayag ng tanggapan, minarapat ni Governor Manuel Mamba na panatilihin ang suspensyon dahil sa malawakang pagbaha sa probinsya bunsod ng paglaki ng Ilog Cagayan.

Kasama anila sa walang pasok ang mga nasa graduate, medical at law schools, batay pa rin sa rekomendasyon ng disaster office ng Cagayan.

Nakakaranas ng mga pag-ulan ang Cagayan Valley dahil sa buntot ng cold front at intertropical convergence zone, ayon sa PAGASA.

Apektado rin umano ng mga naturang weather system ang Visayas, Mindanao, rehiyon ng Bicol at mga lalawigan ng Aurora, Quezon, at Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.