Thinking Pinoy blogger, kakasuhan ni Trillanes

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 01:08 PM | Updated as of Nov 07 2017 03:47 PM

MANILA - Inihayag ni Senador Antonio Trillanes IV, Martes, na handa ang kanyang mga abogado na sampahan ng kasong libel si RJ Nieto na nasa likod ng Thinking Pinoy blog.

Kaugnay aniya ito ng blog ni Nieto ukol sa umano'y pagtawag ni US President Donald Trump kay Trillanes bilang "little narco."

"Maliwanag na yun na sa US government websites on the presidential pronouncements and interviews, wala talaga doon, so kasinungalingan talaga yan," sabi ni Trillanes sa mga reporter.

Sinabi ng senador na hindi sana niya kakasuhan si Nieto ngunit hindi ito humingi ng paumanhin para sa "bogus" umanong paratang.

"Bogus e. Alam nila na ginawa lang nila e... Napapansin ko doon lang sa parte ng mga maka-Duterte ang nagkakalat ng kasinungalingan at mga propaganda at ng mga fake news bihira ka makakita ng mga anti-Duterte na gumagawa niyan," sabi ni Trillanes.

 

Kakasuhan din aniya ng kanyang kampo ang kolumnistang si Yen Macabenta ng Manila Times.

Matatandaang binansagan ni Macabenta na "24-minute disaster" ang panayam ni Trillanes sa BBC nitong Hunyo, kung saan pinulaan ng senador ang "war on drugs" ng pamahalan.

Kamakailan, sinabi rin ni Macabenta na pinuri umano ni US Ambassador to the United Nations Nikki Haley ang kampanya ng gobyerno laban sa droga -- bagay na pinabulaanan ng US Embassy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.