Sundalo tinanggal ang atay, dinurog ang ulo sa Marawi, ayon sa kapatid

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 10:03 PM

Ayon sa kapatid ni Jethro Estacio, tinorture umano at binaril sa ulo ng mga miyembro ng Maute group ang biktima noong Marawi siege. Teomar Bautista, ABS-CBN News

Niluray ng mga teroristang Maute ang katawan ng isang sundalong nasawi sa labanan sa Marawi, ayon sa kapatid nitong isa ring sundalo.

Binaril sa ulo si Cpl. Jethro Estacio, 23, at tinorture ng mga miyembro ng Maute group, ayon sa kapatid niyang si Cpl. Romnick Estacio noong Oktubre 13.

“Sa akin lang sana binantayan nila yung kapatid ko, huwag lang kunin ng kalaban, wala na pong naiwan para sa amin eh. Puro buto na lang po yung naiwan eh, sinunog pa, nilaplap yung likod niya at tinanggal 'yung atay (tapos) 'yung ulo durog-durog na. Pinagkwan siya ng galit,” ani Romnick.

Pang-apat sa 10 magkakapatid si Jethro. Mabait, tahimik, at maaruga siyang anak ayon sa amang magsasaka na si Frederick Estacio

"Masakit man tanggapin yung nangyari sa kanya dapat po talagang i-accept nalang kung anong nangyari kasi siguro kalooban ng Diyos yun,” aniya.

Proud naman ang nakababatang kapatid ni Jethro sa kanyang kuya at hindi niya makakalimutan ang pagiging maaruga nito.

"Kami po kasi ni kuya hindi po kami close pero nung time na nagkita kami noong 2015, siya yung taong nag-reach out talaga sa akin para magkita lang kami siya yung tipo ng tao na kokontakin ka para makita ka lang,” ani Aprilyn.

Inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Jethro sa Libingan Ng Mga Bayani noong Oktubre 28 pero ayon sa pamilya nito, mananatili ang kanyang katapangan at kabayanihan para sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.