Simbahan, mga militante imbitado sa bidding ng MRT service provider

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 12:49 PM

Makikitang nagsisiksikan ang mga pasahero ng MRT sa file photo na ito ng ABS-CBN News. 


MANILA - Iimbitahan ng gobyerno ang mga lider ng Simbahang Katolika, militanteng grupong Bayan at iba pang grupo para magmatyag sa pagpili ng bagong maintenance provider ng MRT-3, ayon sa isang opisyal, Martes. 

Nitong Lunes, pinutol ng Department of Transportation ang maintenance contract ng Busan Universal Railways Inc. (BURI) dahil sa madalas na aberya sa pangunahing railway ng Kamaynilaan. 

Kabilang sa mga grupong imbitado sa procurement process para sa kapalit ng BURI ang Bayan, Catholic Bishop Conference of the Philippines, at Volunteers Against Crime and Corruption, Commission on Audit, at Office of the Ombudsman, ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez. 


Ipakikilala rin aniya ang mga naturang grupo sa mga miyembro ng bids and awards committee upang matiyak na walang kamag-anak o kaibigan ang mga ito sa mga kumpanyang lalahok sa bidding. 

Bubuksan rin sa media ang procurement na maaaring tumagal ng 3 hanggang 6 na buwan, ani Chavez. 

"'Pag hindi matino ang procurement, nakakakuha ka ng contractor na walang technical and financial capability, therefore walang kakayahan na bumili ng mga spare parts," sabi ng opisyal sa mga reporter. 

Dagdag ni Chavez, tanging "reliable trains" lamang ang patatakbuhin ng MRT habang wala pang nakukuhang bagong service provider. 

Maaari aniyang 14 na tren lang ang tumakbo tuwing umaga at 16 na tren sa hapon. 

Dahil dito, magpupuwesto ng mga bus ang DOTr sa Kamuning at North Avenue stations kapag umaga, gayundin sa Magallanes, Ayala and Pasay stations sa hapon. 

Ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.