Sekyu nagnakaw ng barya sa 'palaboy'

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 08:13 AM

Makikita ang suspek na si Rizaldy Sesna sa larawang ito.

MANILA - Inaresto ang isang security guard matapos umano niyang pagnakawan ang natutulog na street dweller sa Sampaloc, Maynila, Martes.

"Natutulog ako tapos may naramdaman akong may kumuha ng barya ko sa kamay," kuwento ng 69-anyos na biktimang si Jose Canita.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, nakita nila ang suspek na si Rizaldy Sesna na umaaligid sa tinutulugang kariton ni Canita sa ilalim ng tulay sa Legarda Street.

"Nakita na namin siya pabalik-balik tapos noong kinausap namin ano nasa kamay n'ya, nakita namin iyung barya," ani Enrique Concepcion, kagawad ng Barangay 420.

Masama naman ang loob ni Canita na siya pa ang pinagnakawan ni Sesna. Naipon aniya niya ang P100 barya sa pangangalakal ng bote at yero.

Halos maiyak ang biktima nang manakaw kanyang plastic bag ng mga barya.

Itinanggi ng suspek ang alegasyon, pero desidido ang biktima na sampahan siya ng kasong theft. Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.