Pulis na bantay ng anak ng 'drug queen,' iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 07:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dating na-kidnap ang anak ng "drug queen" kaya siya mayroong pulis na security detail

Iniimbestigahan na kung may kinalaman sa ilegal na gawain ang police security detail ng anak ng tinaguriang "drug queen."

Nitong Lunes, Nobyembre 6, nabisto ang operasyon ng droga ng mag-inang Yuklai Yu at Diane Yu Uy sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Police Security and Protection Group (PSPG), nagkaroon ng police security detail si Uy dahil noong 2006, dinukot umano si Uy at ang kaniyang kapatid sa Greenhills.

Kalauna'y napalaya ang magkakapatid nang magbayad ng ransom sa kidnappers.

Dahil daw sa insidente, humiling ng protection detail mula sa PNP-PSPG sina Uy.

Ayon kay PNP-PSPG director Chief Supt. Joel Garcia, simula 2015, si PO3 Walter Vidad na ang na-assign na security detail ni Uy.

Si Vidad din ang laging hinihiling ni Uy na maging police detail sa tuwing magre-renew ng request sa PSPG na ginagawa tuwing anim na buwan.

Ani Garcia, karaniwang pinagbibigyan ang hiling na ma-assign sa nag-request ang dating security detail para na rin pamilyar na ang pulis sa kaniyang babantayan.

Aminado ang PSPG na hindi nila na-background check si Uy kaya hindi nalamang anak pala siya ni Yuklai.

Nasa kustodiya na ng personnel holding administration office si Vidad para sa imbestigasyon kung may kinalaman siya sa ilegal na gawain ng binabantayang si Uy.

Nitong Lunes, nakumpiska ang P10 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang condominium unit na malapit sa Solano gate ng Malacañang sa San Miguel, Maynila.

Inaresto si Uy na nakatira sa naturang unit kung saan nakuha ang dalawang kilo ng droga na nakasilid sa anim na plastic bag.

Ilang oras bago salakayin ang condominium ni Uy, nagsagawa rin ng raid ang PDEA sa Correctional Institution For Women (CIW), kung saan nasamsam ang 2 cellphone at P2 milyong halaga ng shabu.

Kabilang sa mga nakumpiska ang ilang pakete ng shabu na nakatago sa loob ng mga pantyliner sa kubol ni Yuklai.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni PDEA chief Aaron Aquino na ginagamit ng 72 anyos na si Yuklai ang kaniyang anak para magsuplay ng droga sa CIW at iba pang lugar.

Nasa 19 na taon nang nakapiit si Yuklai na isang Taiwanese national.

Iginiit naman ni Uy na bigas ang kanyang negosyo. Pinaratangan din niya ang PDEA ng pagtatanim ng droga sa kaniyang tirahan, bagay na pinabulaanan ni Aquino.

Tinanggal na sa puwesto si Elsa Alabado, acting superintendent ng CIW.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.