Nanggugulong pulis ayaw magbayad sa karinderya sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 08:42 PM

Arestado ang isang pulis sa Parañaque na hindi nagbayad sa kinainang karinderya at nanutok ng baril sa isa pang kustomer.

Kinilala ang suspek bilang si Police Officer 1 Arnel Arguta na hinuli matapos manggulo sa isang karinderya sa BF Homes hatinggabi ng Martes.

Inireklamo ng may-ari ng karinderya sa pulisya si Arguta.

Sa kuha ng CCTV, makikitang paulit-ulit na labas-masok si Arguta sa karinderya.

Nakipag-inuman siya sa ilang customer kahit hindi kakilala at pinagalitan ang isang empleyado.

Nakuhanan din ng iba pang CCTV si Arguta na sinusuntok ang isang lalaking kinilala sa pangalang "Biboy," na pumunta sa karinderya para bumili ng sigarilyo.

Tinutukan din ng suspek si Biboy ng baril.

Umalis agad ang suspek kahit hindi pa nakapagbayad sa karinderya.

Nakuha kay Arguta ang isang baril na hindi niya service firearm.

Pagdating sa istasyon ng pulis, nagbanta pa si Arguta sa mga tauhan ng karinderya.

Kasalukuyang nakatalaga sa regional personnel holding and accounting unit ng National Capital Region Police Office si Arguta, na dating naka-destino sa Las Piñas.

Napag-alamang may dati nang reklamo sa kaniya.

Nalulungkot naman ang ama ni Arguta sa inasal ng anak.

Aniya, walang bisyo ang anak na nangangarap maging abogado.

"Mabait po iyan. Ngayon nagtataka nga ako bakit ganoon," hinaing ng ama ng suspek.

Nahaharap si Arguta sa kasong estafa, physical injury at paglabag sa umiiral na gun ban para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.