MRT muling nagpababa ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 07:44 AM | Updated as of Nov 07 2017 08:17 AM

MANILA - Muling nagpababa ng mga pasahero ang MRT-3 sa gitna ng rush hour ngayong Martes, isang araw matapos tapusin ng gobyerno ang kontrata ng maintenance provider ng tren.

Ayon sa website ng MRT, alas-6 ng umaga nagpababa ng pasahero sa North Avenue southbound station dahil sa problemang teknikal.

Nasa category 3 ang aberya, na nangangahulugang inalis ang tren nang walang kapalit. Dahil dito, 10 tren lang ang pinatatakbo ngayong Martes. May kabuuang 14 tren na tumatakbo ang MRT.

Nagsimula nang maipon ang mga pasahero sa mga istasyon. Sa Quezon Avenue station, umabot na ang pila sa Mother Ignacia Avenue.

Nitong Lunes, 5 beses ding tumigil at nagbaba ng pasahero ang mga tren ng MRT.

Pinutol na ng pamahalaan ang maintenance contract ng Busan Universal Railways Inc. (BURI) dahil sa madalas na aberya sa MRT, na ginagamit ng nasa 500,000 pasahero kada araw.

May ulat nina Vivienne Gulla at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.