Mga motorista inabisuhan: Iwasang dumaan sa EDSA Nobyembre 11-13

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 09:12 PM

Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na iwasan munang dumaan sa EDSA sa pag-arangkada ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ikinakasa na ng MMDA ang “stop and go” scheme sa EDSA, kung saan dadaan ang maraming delegado mula Clark, Pampanga papuntang Pasay at pabalik mula Nobyembre 11 hanggang 13. 

Gaya ng dating international summits, ipatutupad ang “stop and go” scheme, kung saan patitigilin ang mga motorista para makadaan muna ang ASEAN convoys.

Ayon kay Emmanuel Miro ng MMDA, maaaring matigil ng lima hanggang 20 minuto ang mga sasakyan kaya mainam na iwasan muna ang pagdaan sa EDSA. 

Ayon pa sa MMDA, maaari ring maapektuhan ang biyahe ng MRT dahil hindi puwedeng magkasabay ang bilis nito at ng ASEAN convoy para masiguro ang seguridad. 

Kung magkataon, pauunahin ang convoy at pababagalin ang andar ng tren.

Inaabisuhan din ang mga motorista na iwasan ang ilang lugar at kalsada na isasara para sa mga gaganaping pulong, tulad ng Cultural Center of the Philippines Complex, SMX Convention Center, at bahagi ng Roxas Boulevard.

Samantala, naglalakihang monitors na may dose-dosenang live feed ng CCTV ang magsisilbing mga mata ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response sa gaganaping ASEAN Summit.

Magdamag na magbabantay sa multi-agency coordinating center ang nasa 21 ahensiya ng gobyerno, katuwang ang 27 security teams ng bawat bansang dadalo sa summit.

Bukod pa ito sa 60,000 na pulis, sundalo at iba pang tauhan na magmamando sa mga venue at kalsada.

Mahigit isang taon umano ang ginugol sa paghahanda sa seguridad ng ASEAN Summit.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.