Mga jeepney driver sa Baguio, tutol sa pagpalawak ng night market

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 03:09 PM

Umaalma ang ilang jeepney drivers at operators sa pinaplanong night market extension sa Perfecto St. sa Baguio City. 

Anila, ilang ruta ng jeep ang maapektuhan kapag natuloy ito. 

Kabilang na dito ang Kias PMA, Scout Barrio, Balsigan, Campo Sioco, Green Water, Military-Cut Off, Gabriela Silang, Bakakeng Norte, Bakakeng Sur, at Bakakeng Central. 

Kapag nagsimula kasi ang night market sa lugar ng alas-9 ng gabi, mapipilitang umalis ang mga jeep at mahihirapang makasakay ang mga commuter lalo na't ang ilang terminal ay hanggang alas-11 pa nagsasakay. 

"Ang dahilan kung bakit ayaw namin kasi iyong 9:00 na iyan, marami pa kaming pasahero. Saan kami mag-lo-load kung nandoon na iyong mga night market? Iyong night market na iyan, iyon ang ihanap nila sa ibang lugar, marami namang off road diyan na walang madistorbo," ani Jeffrey Tungyawan ng PMA Kias Jeepney Driver Association. 

Nitong Martes, inihain nila ang kanilang posisyon sa pulong ng konseho. 

Sinuportahan naman ito ng ilang konsehal. 

Anila, mas matimbang ang pangangailangan ng mga driver at commuter sa Perfecto St. kaysa sa perang maaaring kitain sa pagpapatayo ng night market extension sa naturang kalsada.

Magpapasa ng resolusyon ang konsheo ng pagtutol sa night market extension. 

Matatandaang nitong Setyembre, naipasa ang resolution 15 series of 2017 na nagpahintulot na i-extend ang night market sa Perfecto St. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.