Menor de edad, ginahasa ng lalaking nakilala sa Facebook

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 05:42 PM

NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki nitong Lunes matapos umanong manggahasa ng menor de edad sa Naga City.

Huli si Albert Ragay, 20, sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation-Naga sa isang motel sa lungsod.

Ayon sa 17-anyos na biktima ni Ragay, nakilala umano niya ang suspek sa social networking site na Facebook noong Setyembre.

"Mabait naman po siya noon. Tiwala po ako sa kanya dahil yung pakikitungo niya maayos naman," aniya.

Una umano silang nagkita noong Setyembre 30, matapos siyang ayain ng suspek na manood ng basketball game. Nagpaalam siya sa ama na aalis.

Isinakay daw siya sa motorsiklo ni Ragay pero hindi siya sa basketball court dinala, kundi sa mismong bahay nito.

Ayon sa biktima, anim na beses siyang ginahasa. Dagdag nito, kinunan pa siya ni Ragay ng hubad na mga litrato.

Inihatid siya sa kanilang bahay, mag-alas singko na ng madaling araw.

Nais umano ng biktima na matigil na ang namamagitan sa kanila ni Ragay, pero tinakot siya nitong ipapadala ang kanyang mga retrato sa kanyang inang nasa abroad, mga kapatid at kaibigan.

Giit ni Ragay, may relasyon sila ng biktima kahit pa may live-in partner siya at isang taong gulang na anak.

Nagbabala naman ang mga awtoridad sa paggamit ng social media.

“Sa mga kabataan, especially sa mga kababaihan, mag-ingat sa pagamit ng social media. Minsan dun nila nami-meet yung mga strangers na ‘di naman talaga nila kilala, ‘di nila alam kung ano ang motibo nito sa kanila,” ani Rizaldy Jaymalin, hepe ng NBI-Naga.

Inihanda na ng NBI ang kasong 7 counts of rape, attempted rape, paglabag sa Anti-photo Voyeurism Act of 2009 at Cybercrime Law laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.