Indian national at backrider na maniningil ng pautang, tinambangan

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 01:19 PM | Updated as of Nov 07 2017 05:03 PM

(UPDATED) Patay ang isang babae habang sugatan naman ang kasama nitong Indian national matapos silang tambangan, Martes ng umaga sa Camarines Sur.

Dead on the spot si Mary Jane Sañano, 26-anyos, ng Barangay Bulawan, Lupi matapos na tamaan ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Naisugod naman sa pagamutan si Dupinder Singh, 30-anyos, na nabaril sa kaliwang hita.

Sa imbestigasyon ng pulis, angkas ni Singh sa motorsiklo si Sañano para maningil ng pautang alas-8:30 ng umaga nang tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa may spillway ng Barangay Tapi.

Nang matumba ang mga biktima, itinakas pa ng isa sa mga suspek ang motorsiklo ni Singh. Sa Barangay Tanawan sa Lupi na narekober ng awtoridad ang motorsiklo, Martes ng hapon. Hinulog umano ito sa tabi ng Andaya Highway.

Ayon sa mga residente, tatlong putok ng baril ang narinig nila sa lugar. May ilang nakasaksi rin sa insidente ang hawak ngayon ng pulisya at posibleng makapagtuturo sa mga suspek. 

Nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operation ang pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.