DDB chair na pumuna sa mega rehab center, nagbitiw sa utos ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 06:46 PM | Updated as of Nov 07 2017 08:28 PM

Nagbitiw sa puwesto si Dionisio Santiago bilang pinuno ng Dangerous Drug Board (DDB) alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Executive Secretary Salvador Medialdea ang nagpaalam kay Santiago sa utos ng Pangulo na magbitiw na ito sa pamumuno sa ahensiyang nangangasiwa sa mga patakarang may kaugnayan sa ilegal na droga.

Nang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News ukol sa kautusan ng Pangulo, sagot ni Santiago: "Malacañang knows best. The boss is always right."

Pinagbitiw si Santiago dahil umano sa mga pahayag niyang "mistake" o pagkakamali ang pagtayo ng malaking drug rehabilitation center sa isang military camp sa Nueva Ecija.

"That was a mistake. Ang problema, naging excited si President. 'Yong ginasta doon, puwedeng ginamit sa mga community-based rehab 'yon," ani Santiago sa programang "Headstart" ng ANC noong Nobyembre 1.

May kakayanan ang rehab center na tumanggap ng 10,000 lulong sa droga ngunit nasa 300 pa lang ang residente nito batay sa tala noong Hunyo.

Nilinaw ng Palasyo na walang pondong ginastos ang gobyerno sa pagtayo ng rehab center.

“Wala pong pera ng gobyerno na ginastos diyan sa mega rehab centers na itinayo ‘no. ‘Yan po ay ibinigay ng isang philanthropist na Tsino ‘no,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque noong Nobyembre 2.

Si Huang Rulun, isang Chinese na negosyante, ang nagpondo sa proyekto.

Matatandaang pinagbitiw rin ni Duterte sa puwesto ang pinalitan ni Santiago na si Benjamin Reyes. 

Hindi kasi sila nagkakasundo sa bilang ng mga Pilipino na lulong sa droga. 

Sinabi ni Duterte na 4 milyon Pilipino ang lulong sa droga ngunit 1.8 milyon lang ang tala ni Reyes.

Bago maluklok sa DDB, nagsilbing pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency si Dionisio mula 2006 hanggang 2011.

Tumakbo rin si Dionisio sa pagka-senador noong 2016 halalan ngunit natalo.

-- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.