5 mayor sa Calabarzon, tinanggalan ng kapangyarihan sa pulisya

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 03:04 PM | Updated as of Nov 08 2017 12:22 AM

Tinanggalan ng National Police Commission (Napolcom) ng operational supervision and control sa pulisya ang ilang alkalde sa Calabarzon, Martes. 

Sa resolution 2017-570, sinabi ng Napolcom na ito'y matapos isangkot sa ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naturang alkalde. 

Kabilang sa mga mayor na saklaw ng utos sina: 

  • Eulalio Alilio ng Lemery, Batangas
  • Raul Palino ng Teresa, Rizal
  • Antonio Halili ng Tanauan, Batangas 
  • Cecilio Hernandez ng Rodriguez, Rizal at 
  • Loreto Amante ng San Pablo. 

Inilabas ng Napolcom ang resolution 2017-570 alinsunod sa atas ni Duterte sa command conference sa Malacañang nitong Agosto 7. 

Ang resolusyon ay "effective immediately" at may lagda ni Catalino Cuy, officer-in-charge of the Department of Interior and Local Government (DILG). 

Sinabi ni Chief Supt. Mao Aplasca, hepe ng Calabarzon police, na hinihintay na lang niya ang orihinal na kopya ng resolusyon para maisilbi ito sa mga alkalde.

Ayon naman kay Halili, hindi siya apektado sa biglang pagtatanggal ng kapangyarihan sa kapulisan.

Sa halip, mas nag-aalala umano siya sa mga paratang na sangkot siya sa ilegal na droga.

Itinanggi rin ni Halili ang mga paratang na may ugnayan o magkakilala sila ni Cipriano Violago, alkalde ng San Rafael, Bulacan na sangkot umano sa ilegal na droga.

Hamon ni Halili na patunayan ang kaniyang kaugnayan sa ilegal na droga.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ni Alilio at Amante pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Ayon sa kampo ni Amante, hinihintay pa nila ang official communication para mapag-aralanan ng kanilang abogado.

-- Ulat nina Noel Alamar at Fay Virrey, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.