4 patay sa salpukan ng motorsiklo, dump truck sa Camarines Norte

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 07:35 PM

Ayon sa driver ng dump truck, sinubukan niyang iwasan ang kasalubong na motorsiklo pero nagkaproblema umano ang preno ng sasakyan.

Patay ang apat na lulan ng isang motorsiklo matapos itong sumalpok at masagasaan ng kasalubong na dump truck sa bayan ng Labo, Camarines Norte Lunes.

Kinilala ang mga biktima na sina Ricosan Hagad, Lilibeth Bayog at dalawang anak.

Naisugod pa sa ospital si Bayog pero hindi na umabot ng buhay dahil sa tindi ng tama sa katawan.

Ayon naman sa driver ng dump truck na si Norben Doctor, 45, may tumawid umanong aso sa kalsada na inilagan niya.

Sinubukan niya umanong huminto nang makita ang kasalubong na motorsiklo pero nagkaproblema raw ang preno ng truck.

Humihingi ang suspek ng pasensya sa mga kaanak ng biktima.

Sa kabila ng nangyari, posible umanong hindi na magsampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, accident-prone ang lugar kung saan nangyari ang banggaan dahil pakurba at palusong ito.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na bawal ang mag-angkas ng maliliit na bata sa motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.