Pamilya ng lolang may bukol sa mukha, nananawagan ng tulong

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 11:59 AM

Dahil sa kakulangang pampinansiyal, bigong maipagamot ang dati'y simpleng sinusitis ni Editha Dadores na naging malaking bukol sa mukha.

Hirap sa paghinga, pananalita at halos hindi na makakita ang 71 taong gulang na si Editha Dadores dahil sa malaking bukol sa kaniyang mukha.

Nagsimula ang kaniyang kondisyon matapos magkaroon ng sinusitis o pamamaga sa may bahagi ng ilong, apat na taon na ang nakalilipas.

Dapat sana'y ooperahan si Dadores pero hindi ito natuloy dahil sa kakulangang pampinansiyal.

Makalipas ang dalawang buwan, ang dating maliit na bukol ay namuo at halos masakop na ang kaniyang buong mukha.

Sanay sa payak na pamumuhay ang pamilya ni Dadores na naninirahan sa Barangay Cabayugan sa Puerto Princesa, Palawan.

Wala umano silang kakayanang maipagamot ang lola.

Nais ng mga anak ni Dadores ngayong Kapaskuhan na maalis ang bukol sa kaniyang mukha.

Sa ngayon, tumigil na sa pag-inom ng niresetang gamot si Dadores at umaasa na lamang sa herbal medicine.

Sa mga nais magpaabot ng tulong para kay Editha Dadores, maaaring makipag-ugnayan kay Renalyn Dadores sa numerong 0905-858-6130.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.