P10-M shabu nasamsam sa condo malapit sa gate ng Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 12:15 PM | Updated as of Nov 07 2017 01:28 AM

MANILA (UPDATED) - Nakumpiska ang P10 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang condominium unit na malapit sa Solano gate ng Palasyo sa San Miguel, Maynila Lunes.

Inaresto si Diana Yu Uy na nakatira sa naturang unit sa Jy J condominium, kung saan nakuha ang 2 kilo ng droga na nakasilid sa 6 na plastic bag.

Ang suspek ay anak ni Yuklai Yu, isang "drug queen" na nakakulong sa Correctional Institution For Women (CIW), ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Aquino na ginagamit ng 72-anyos na si Yuklai ang kanyang anak para magsuplay ng droga sa CIW at iba pang lugar.

Nasa 19 na taon na aniyang nakapiit si Yuklai na isang Taiwanese national.

Ilang oras bago salakayin ang condominium ni Uy, nagsagawa rin ng raid ang PDEA sa CIW, kung saan nasamsam ang 2 cellphone at P2 milyon halaga ng shabu.

Kabilang sa mga nakumpiska ang ilang pakete ng shabu na nakatago sa loob ng mga pantyliner sa kubol ni Yuklai.

Iginiit naman ni Uy na bigas ang kanyang negosyo. Pinaratangan din niya ang PDEA ng pagtatanim ng droga sa kanyang tirahan, bagay na pinabulaanan ni Aquino.

"In fact kanina, she's offering P5 million para maareglo na lang at huwag palabasin ang illegal drugs na iyan," sabi ng hepe ng PDEA.

Naipagbigay-alam na aniya ng PDEA ang insidente kay Special Assistant to the President Bong Go.

Tinanggal naman sa puwesto si Elsa Alabado, acting superintendent ng CIW.

-- May ulat nina Dennis Datu at Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.