Mga pulis-Pangasinan, ide-deploy sa ASEAN Summit

John Germono, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 04:58 PM

Nakatakdang i-deploy ang 206 na mga pulis-Pangasinan sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit na gaganapin sa ika-11 hanggang 14 ng Nobyembre sa Maynila at Pampanga.

Ang mga napiling pulis, na nagmula sa iba't ibang presinto sa lalawigan, ay sumailalim sa civil disturbance management training para paghandaan ang anumang kilos protesta na magaganap.

Isa sa mga inaasahang bisita sa ASEAN Summit ang pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump.

Sa Miyerkules gaganapin ang send-off ceremony para sa mga pulis.

Samantala, nagsasagawa ng simulation exercises tuwing Lunes ang Provincial Police Office ng Pangasinan para sa kahandaan nila kontra kriminalidad.

Malaking tulong umano ito lalo na sa pagsasagawa ng checkpoints, maging sa pagbabantay sa kani-kanilang istasyon.

Mas magiging epektibo umano ito lalo na sa panahon na maraming naglalabasang mga krimen bago magpasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.