Magkaibigan, nagkagirian sa inuman; 1 patay

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 06:16 PM

SOUTH COTABATO - Wala nang buhay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng mismong kaibigan habang nag-iinuman sa Barangay Lumakil sa bayan ng Polomolok, South Cotabato Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Arturo Orfrecio, 54 taong gulang at residente ng Lambayong, Sultan Kudarat. Nagtamo ito ng saksak sa dibdib at braso.

Itinuturong salarin sa kanyang pagkamatay ang kaibigang si Ramelo Dacomos, alyas Nonoy.

Kwento ni Francisco Paneza na amo ng biktima, nag-inuman sa isang birthday party sina Orfrecio at Dacomos malapit lang sa kanilang compound. Nagulat na lang umano siya nang makitang naghabulan na ang dalawa.

Hindi umano makapaniwala si Paneza sa nangyari dahil tahimik at mabait naman umano si Dacomos. 

Sinubukang kunan ng pahayag ng news team ang nagdaos ng kaarawan pero tumanggi sila dahil wala naman umano silang alam sa insidente.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkagirian ang dalawa kaya nauwi sa kamatayan ang dapat sana'y masayang inuman.

Kasalukuyang pinaghahanap pa ng mga pulis ang suspek na agad tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, maaring umuwi si Dacomos sa kanilang bahay sa Valencia, Bukidnon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.