Droga, alitan, tinitingnang motibo sa pagpatay sa 14 anyos

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 11:48 PM

Nasa kustodiya na ng pulisya ang huling kasama ng binatilyong namatay matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Taguig City noong Biyernes, Nobyembre 3.

Nahagip pa sa CCTV ang 14 anyos na biktima habang naglalakad sa isang subdivision sa Barangay Calzada-Tipas.

Kasama ng biktima ang 16 anyos na kaibigan.

Makalipas ang ilang sandali, pinagbabaril na ang biktima ng mga salaring sakay ng isang motorsiklo.

Bukod sa droga, alitan ng iba't ibang grupo ng kabataan ang tinitingnang motibo sa pamamaril.

"Itong bata, may kaaway siguro," ani Senior Superintendent Alexander Santos, hepe ng pulisya sa Taguig.

Ayon sa mga opisyal ng Barangay Palingon-Tipas, pabalik-balik sa barangay ang biktima dahil sa mga kaso ng pagnanakaw at droga.

Pero nitong nakaraang taon, nagbagong buhay na raw ang binatilyo at bumalik sa pag-aaral.

Labis man ang pagdadalamhati, pilit na nagpapakatatag ang ina ng biktima para sa tatlo pang natitirang anak.

"Sana makonsenisya naman siya, kung mayroong pagkakautang sa kaniya ang anak ko, iyon ba ang kabayaran? Buhay niya?" naluluhang panawagan ng ina ng binatilyo.

Umapela rin ng tulong pinansiyal ang ina ng biktima para mabigyan ng matinong libing ang anak.

Samantala, nanawagan si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa na tingnan sa pangkalahatan ang mga insidente ng pamamaril na kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem.

Nangako si Dela Rosa na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima ng riding-in-tandem. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.