Dating konsehal, wanted sa patayan dahil sa sakla, arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 06:14 PM | Updated as of Nov 06 2017 11:07 PM

Nahuli ang matagal nang pinaghahanap ng pulis na si Dionisio Maramot at itinuturing na "most wanted" sa bayan ng Laurel, Batangas dahil isa ito sa mga suspek sa pananambang sa limang lalaki noong Abril 2014.

Pinasok ng Regional Intelligence Division at Philippine National Police (PNP) nitong madaling araw ng Lunes ang bahay ni Maramot sa Barangay Poblacion 5 sa Laurel, Batangas.

Itinurturing si Maramot na lider ng Maramot Criminal Group. Hindi na ito nakapalag nang arestuhin ng pulisya. 

Base sa imbestigasyon, tinalo sa saklaan ng mga biktimang sina Joebert Lincallo, Dante Mayuga, Manolito Cuadra, Michael Palbacal, at Exequel Marimat ang grupo ni Maramot na siyang pinagmulan ng pagtatalo.

Pauwi na ng Cavite ang mga biktima nang pagbabarilin at pagsasaksakin matapos harangin umano ng grupo ni Maramot. 

Dalawang beses pang naging konsehal ng barangay si Maramot kaya posibleng may kapit umano siya sa ilang politiko.

Mistulang nabunutan ng tinik sa dibdib ang mga kaanak ng napatay.

Si Aida Mayuga, hindi pa rin matanggap ang pagkamatay ng kaniyang asawa sa kamay ng grupo umano ng suspek. 

Hiling naman ni Donato Lincallo na sana'y maparusahan ang grupo ni Maramot sa pagpatay sa nag-iisa niyang anak.

Nahaharap sa kasong murder si Maramot habang pinaghahanap pa ang iba niyang kasamahan.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Oman Bañez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.