Chief Justice, di magbibitiw sa kabila ng panawagan ng Malacañang

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 10:24 PM

Nanindigan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa kabila ng panawagan ng Malacañang at kinakaharap na impeachment complaint.

Nag-ugat ito sa sinabi ni Secretary Harry Roque, bagong tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, na malaking dagok sa Korte Suprema at buong hudikatura kung may mapatatalsik na namang punong mahistrado.

"The best way to protect the institution is to forego with the trial altogether... so I call upon Chief Justice Sereno to really consider resigning if only to spare the institution from any further damage," ani Roque sa isang press briefing.

Bilang dating kongresistang nahimay ang reklamong inihain ni Atty. Lorenzo Gadon, naniniwala si Roque na matibay ang ebidensiya laban kay Sereno.

Pero ayon sa tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Carlo Cruz, haharapin ni Sereno ang nakasalang na impeachment sa Kamara.

Saad ng pahayag ni Cruz: "As previously declared, resignation has never been an option. The CJ [Chief Justice] needs to face the impeachment proceeding precisely to preserve the dignity and independence of both the Supreme Court and the Office of the Chief Justice. She has done nothing to 'damage' the institution, and she has been doing everything to strengthen it."

Tila may bagong patama naman sa administrasyon si Sereno sa kaniyang talumpati sa 8th International Conference on the Training of the Judiciary nitong Lunes.

Aniya, may mga tangka ang mga puwersang politikal sa iba-ibang panig ng mundo na bantaan at takutin ang hudikatura.

Pero hindi niya direktang binanggit ang Pilipinas.

"It is more crucial that we do not lose sight of the reason behind our common objective of improving efficiency and accuracy in our judicial processes—and that is the protection of rule of law and the human rights of our people," ani Sereno sa kaniyang talumpati.

Itinanggi naman ng Palasyo na panggigipit sa hudikatura ang hinaharap na kaso ni Sereno dahil nakapaloob sa Saligang Batas ang impeachment bilang legal na proseso para papanagutin ang punong mahistrado.

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.