Libo-libong security personnel sa ASEAN Summit, dumalo sa send-off

Zhander Cayabab, DZMM

Posted at Nov 05 2017 11:25 AM | Updated as of Nov 05 2017 08:16 PM

MANILA - (UPDATED) Nagtipon ang libo-libong unipormadong law enforcers sa Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila, Linggo para sa send-off ceremony of force and resources ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong buwan. 

Ito na ang huling pagtitipon ng security forces na magbabantay sa ika-31 ASEAN summit na idaraos sa Maynila at mga karatig-probinsya, matapos ang ilang buwang paghahanda. 

Sinimulan ang seremonya sa isang Misa, alas-7 ng umaga.

Sinundan ito ng pagpapailaw ng blinkers ng mga sasakyan at pagpapatunog ng sirena ng mga mobile na gagamitin sa summit. 
 
Nagsagawa rin ng water canon salute ang Bureau of Fire Protection, kung saan nagbuga ng tubig na may kulay ang ilang trak ng bombero. 

 Nagkaroon din ng demo ng civil disturbance management o kung paano tutugon ang mga pulis kapag may mga nag-rally sa summit. 

Dumalo sa seremonya sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Interior and Local Government officer in charge Catalino Cuy, Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang opisyal. 

 

'SEGURIDAD SA SUMMIT, HANDA NA'

Handa na ang bansa sa physical at cyber threats laban sa summit, tiniyak sa isang press briefing ni Cuy, na chairman din ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response. 

Naplantsa na rin aniya ng Metropolitan Manila Development Authority ang stop-and-go scheme na ipatutupad sa North Luzon Expressway (NLEX) tuwing daraan ang convoy ng ASEAN delegates papunta at pabalik mula sa Clark International Airport sa Pampanga. 

Dagdag ni Cuy, may lockdown din sa mga venue ng pagpupulong at sa mga hotel na tutuluyan ng mga delegasyon.

Hindi aniya ija-jam ang mga linya ng komunikasyon. 

Nanawagan naman sa publiko si ASEAN 2017 National Organizing Council head Marciano Paynor na huwag nang subukang harangan o sabayan ang ASEAN convoy upang hindi makaabala. 
 
Una nang idineklara ng pamahalaan na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga kaugnay ng ASEAN sumit. 

Sinuspinde rin ng mga alkalde ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17. 

Dadalo sa summit ang world leaders, mga delegado at miyembro ng international press. 

-- May ulat nina Zhander Cayabyab at Kevin Manalo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.