Cement mixer sumalpok sa tindahan sa Pampanga; 3 sugatan

Kate Cunanan, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2017 12:34 AM

Sumalpok ang isang cement mixer truck sa isang tindahan sa bayan ng Guagua, Pampanga Sabado.

Sa kuha ng CCTV, makikita na bago sumalpok ang truck sa tindahan, tinamaan pa nito ang isang pampasaherong jeep at isa pang motorsiklo.

Nagtamo ng minor injury ang driver ng truck na si Ronald de Leon, 45, at ang nagmamaneho sa motorsiklo na si Michael Flores at angkas niyang si Jennifer Arangulo.

Agad isinugod ang mga sugatan sa ospital na sa kasalukuyan ay maayos na ang kalagayan. 

Ayon sa imbestigasyon ng Guagua Police, nawalan umano ng preno ang truck habang binabagtas ang Jose Abad Santos Avenue sa intersection ng mga bayan ng Guagua at Santa Rita.

Hindi nagsampa ng kaso ang mga biktima dahil sasagutin umano ng kumpanya ng driver ng truck ang gastos sa kanilang pagpapagamot, pati ang pagpapagawa ng tinamaang gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.