Apat, inaresto ng PDEA sa Naga City drug bust

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2017 12:24 PM

NAGA CITY - Apat ang arestado sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa syudad na ito Sabado ng gabi.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na plastic na may laman ang pinaniniwalaang iligal na droga. Tinatayang nasa isang kilo ang bigat ng kontrabando at nasa P6 million ang halaga nito.

Kinilala ang mga suspek na sina Olivia Encinas, 60 taong gulang ng San Pedro, Laguna; mag-pinsan na sina Joel Saut, 35 taong gulang at Alvin Andaya, 37, ng Amadeo, Cavite; at bayaw ni Saut na si Rodigundo Celis, 34 ng Tipas, Taguig.

Ayon sa PDEA-Camarines Sur, isa ang grupong ito sa malalaking supplier ng iligal na droga sa Bicol Region at sa Visayas.

Todo-tanggi naman ang mga suspek na may kinalaman sila sa pagbebenta maging sa paggamit ng shabu. - ulat ni Rona Jane Nuñez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.