SOCO: Away mag-asawa nauwi sa krimen

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 01:55 PM

 

Nagsimula ang pag-iibigan nina Erwin Tapay at Ailene Ojinal nang maging textmates noong 2008. 

Napagdesisyunan nilang mag-isang dibdib matapos lang ang ilang linggo. 

"No'ng hapon, nagtanan na pala. Tumawag sa akin. 'Nay, hindi na 'ko makakauwi at ako'y sumama na,'" pag-alala ni Merly, ina ni Ailene.

Magkasamang itinaguyod ng dalawa ang kanilang pamilya sa kabila ng kapansanan sa paa ni Ailene.

“Nagtatrabaho pa din po siya. [Naglalabada] pa din po siya. Kahit po masakit ang kaniyang paa, pinipilit niyang magtrabaho para sa kaniyang mga anak.”

Naging responsableng padre de pamilya naman anila si Erwin sa kanilang dalawang anak.

"Napakagalang na tao. Kapag umimik, hindi mawawala ang 'po'. Masipag din magtrabaho. Mabait siya sa mga anak niya."

Pero sa kabila nito, lumabas ang pagkaseloso at pagiging marahas ni Erwin.

"'Pag nauwi po sa'kin [si Ailene], may mga pasa. Minsan tinatanong ko kung napa'no 'yan," dagdag ni Merly.

Mas lumala ang pagtatalo ng dalawa noong Marso 2017 matapos pagbintangan ni Erwin si Ailene na may ibang kinakasama. 

"Sabi ko, pipilay-pilay na nga 'yong asawa mo, pagbibintangan mo pang may lalaki,” ani Merly.

Humingi ng saklolo si Ailene sa kaniyang mga magulang dahil sa pananakit ng kaniyang asawa. Pero muling nagkaayos ang dalawa nang humingi ng tawad si Erwin.

Napagkasunduan nina Merly na sa tahanan muna nila titira ang pamilya nina Ailene at Erwin.

Pero noong Hunyo 16, 2017, ibang eksena ang nakita ng mga kamag-anak ni Ailene sa kanilang tahanan.

“Maya-maya, sumigaw [‘yung mga apo ko]. ’Nay, nay, tatay, tatay, si mama tinaga ni papa,’” kuwento ni Joseph Ojinal, ama ni Ailene.

Ano nga ba ang nangyari sa mag-asawa? Sundan ang kuwento sa ‘SOCO: Scene of the Crime Operatives’ ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng ‘Ipaglaban Mo!’

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.