Pilipinas maaaring hindi makatanggap ng tulong mula MCC

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 06:57 PM

Maaaring hindi makatanggap ang Pilipinas ng multi-million development grant mula sa United States aid agency na Millenium Challenge Corp. (MCC), ayon sa dating kinatawan ng bansa sa US.

Ayon kay Jose Cuisia Jr., dating Philippine ambassador sa US, kailangang makapasa ang bansa sa 20 indicator na magiging basehan ng MCC kung dapat bang ituloy ang pagbibigay ng tulong sa bansa.

“As I said, two important requirements are control of corruption and rule of law. Ngayon, unfortunately dito sa scorecard natin ng 2018, the Philippines did not do well. Mababa ang score natin. I’m not saying for sure, but that may prevent us from getting the approval of the board for a second compact," ani Cuisia.

Nakapasa sa 12 indicator ang Pilipinas, habang mababa ang nakuha nitong score sa pagsugpo ng korupsyon at pagtiyak ng rule of law.

Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, hanggang taong 2016 ang mga indicator na ginamit ng MCC at maaaring hindi pa nito nailalarawan ang reporma ng administrasyong Duterte.

"We have to understand that for this year's scorecard, the ratings in the various indicators were based on their methodologies in 2014, 2015 and 2016. The findings, therefore, may not completely reflect the reform initiatives of the Duterte administration in the area of fighting corruption and good governance," ani Roque sa isang pahayag.

Nilinaw naman ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas na wala pang pinal na desisyon ang MCC at masusi pa ring pinag-aaralan kung dapat makatanggap ang Pilipinas ng pangalawang compact.

Noong 2016, na-defer ang grant sa Pilipinas dahil sa isyu ng rule of law at civil liberty.

Unang tumanggap ang Pilipinas ng $434-million compact mula sa MCC noong 2010 para labanan ang kahirapan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.