PDEA agent, 1 pang kasama patay sa aksidente sa La Union

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 04:07 PM

BAUANG, La Union – Dalawa ang patay, kabilang ang isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa likod ng isang trailer truck, Sabado ng madaling araw.

Patay sa aksidente si PDEA agent Mark Anthony Exevea at kasama nito.
 
Kuwento ng driver ng truck na humiling na huwag pangalanan, dahan-dahan lang itong nagmamaneho nang maramdamang may bumangga sa likod ng kaniyang sasakyan.

“Naka-tersiyera lang naman po ako noon, bigla na lang kaming may narinig na parang bumangga. 'Yun pala, sa likod na namin bumangga 'yung sasakyan,” sabi niya.

Galing San Fernando ang trak at dadalhin sana sa Bauang ang laman nitong fertilizer.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, posibleng mabilis ang pagpapatakbo ng kotseng minamaneho ni Exevea.

Inaalam pa kung nakainom ang mga biktima nang maganap ang aksidente.

Nagpapagaling naman sa ospital ang isa sa mga nakaligtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.