Magsasaka patay matapos mahulog sa balon sa Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 01:45 PM

LAOAG CITY – Natagpuang patay ang isang 58-anyos na magsasaka sa isang balon dito Sabado ng umaga.

Lumulutang na ang bangkay ni Robert Lopez Lucas nang matagpuan ito sa isang balon sa Barangay 54, Lagui Sail dito sa lungsod.

Ayon kay Melanie Agustin, pinsan ng biktima, Biyernes ng umaga raw nang mapansin ng mga kapitbahay ni Lucas na nawawala ito at bukas diumano ang pinto at ilaw ng kaniyang bahay.

"Nagtaka kasi ang mga kapitbahay na bakit wala si Robert, dati-dati naman laging nakikita itong dumadaan o pumupunta [sa] bukid," ani Agustin.

Ayon kay Gregorio Gaspar, kapitbahay ng biktima, alas-7 ng umaga nitong Sabado nang mapansin niya ang tsinelas ni Lucas sa tabi ng balon. Laking gulat na lamang daw niya nang ilawan ang balon at makita ang paa ng biktima na lumulutang sa tubig.

Paliwanag ni Dr. Joseph Adaya, pagkalunod ang nakikitang sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil mukhang nauna raw na mahulog ang ulo ni Lucas sa balon. Wala naman umanong ibang sugat si Lucas sa katawan.

Lumalabas sa imbestigasyon na may nakitang plakard sa balon na posibleng kukunin sana ng biktima.

Posible rin umano na aayusin sana ni Lucas ang tubo mula sa balon na pinagkukunan ng tubig ng kaniyang bahay.

Mag-isa lamang si Lucas sa kaniyang bahay dahil biyudo na ito at walang anak. 

Nirekomenda ng pulisya na maaaring ipa-autopsy ang bangkay ni Lucas sakaling may duda ang pamilya nito sa kaniyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.