Lalaki sugatan sa rambol; suspek, pinalaya ng pulis

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 06:02 PM

MANILA - Sinugod ng isang grupo ng kalalakihan ang bahay ng 33-taong gulang na si Richard Verzosa matapos masagi ng pinto ng pinara nitong taxi ang isa sa kanila noong Okt. 31 sa Baguio City. 

Kuwento ni Verzosa, ang lalaking kinilalang si Marlon Nuevo ang nakasagi sa pinto ng sinakyan niyang taxi habang naglalakad na lasing. 

"Naglalakad po siya, nakainom na, nakalingon sa likod [so] nasagi niya 'yung pintuan ng taxi... Humihingi ako ng pasensya," kuwento ni Verzosa, na sumakay ng taxi malapit sa kaniyang bahay.

Pero si Nuevo, nagtawag umano ng mga kasama para sugurin at pagbabatuhin ang tahanan ni Verzosa.

Nang subukang pigilin ni Verzosa ang mga lalaki, nauwi ito sa rambol at binato siya ng malaking bato sa mukha, dahilan para magtamo ito ng sugat sa mata at mabangasan.

Screengrab

Rumesponde nang gabing iyon ang kapitan ng barangay na siyang tumawag sa mga pulis. 

Pero pagkatapos magpa-medico legal, tila iba na raw ang ihip ng hangin pagdating nila sa istasyon.

'Ayaw pansinin'

"Pumunta kami sa police station...Parang ayaw na rin nilang i-entertain...[G]usto ko po sana magpa-blotter. Hindi na raw po kailangan 'yung blotter sabi nila [at] it's either maareglo, sabi nila," ani Verzosa.

Kahit pa gusto niya raw sampahan ng kaso sa korte ang suspek, ibinaba raw ito ng pulis sa barangay.

Paliwanag ng mga pulis, "less serious physical injuries" makakategorya ang tinamo ni Verzosa kahit pa sinabi ng doktor na kailangan siyang operahan base sa resulta ng pagsusuri.

Screengrab

Ayon sa CT scan kay Verzosa, may nakitang "linear and depressed fractured segments" sa kaniyang ulo.

"Ang tinitingnan ng investigator diyan, kung nakikita niyang barangay level, ididiretso niya muna sa barangay. Alam ng investigator 'yan," paliwanag ni Chief Insp. Eddie Bagto, hepe ng Baguio City Police Office (BCPO) Station 1.

Pinakawalan din ang suspek dahil "nagkasundo" umano sila na ibaba sa barangay ang reklamo. 

Ito naman ay hindi sinasang-ayunan ni City Prosecutor Elmer Sagsago dahil sila raw ang dapat na tutukoy kung may partisipasyon ba ang tao sa krimen at kung anong krimen ang kinasangkutan nito. 

"That is highly irregular kasi they have to refer it to the inquest prosecutor. Hindi ang pulis ang mag-assess kung mayroon siyang participation, what they do is get all the evidence and refer it to the inquest prosecutor," ani Sagsago. 

Sa bigat umano ng tinamong sugat ni Verzosa, hindi na ito dapat ibinaba pa sa barangay. 

"Slight physical injuries, light oral defamation, ideretso sa barangay. Pero...[dapat ito] diretso na sa main iyan, tulad ng serious physical injuries, kahit wala kang injury pero ang offense ay attempted homicide," ani Sagsago.

"May mga cases na dapat talaga idadaan sa barangay, pero itong mga cases na ito hindi na dapat," dagdag ni Sagsago.

Screengrab

Pero giit ng mga pulis kay Verzosa, tapusin muna ang dalawa pang natitirang hearing sa barangay para makapagsampa ng kaso sa korte. 

Payo naman ng prosecutor, dumiretso na lamang si Verzosa sa kanilang tanggapan para makapagsampa ng kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.