2 sugatan sa banggaan ng truck at isa pang sasakyan sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 06:40 PM

Video courtesy of Bayan Patroller Floriza Dolor

MANILA- Dalawa ang sugatan sa banggaan ng isang truck ng buhangin at isang Toyota Innova sa Burgos Extension Road, Barangay Granada, Bacolod City Sabado ng umaga.

Ayon kay PO3 Mark Villaruz, traffic investigator ng Bacolod City Police Station 5, bahagyang nasugatan ang dalawang hindi pa nakikilalang biktima na napadaan lamang sa lugar.

Papunta raw ng Barangay Granada ang Toyota Innova na may plakang FHS 968. Kinilala ang driver nito na si Seven Serebo na may dalawang sakay, habang ang tumagilid na truck na may plakang AAH 543 ay minamaneho ng isang Arnold Seyco na papunta raw sana ng city proper ng lungsod. 

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang sanhi ng aksidente at bakit tumaob ang truck. 

Dagdag ni Villaruz, sa Lunes pa raw pumayag magpa-interview sa mga pulis ang mga sakay ng Innova dahil sa trauma na kanilang kinaharap, at posibleng doon na rin malalaman kung sino ang mananagot sa insidente. 

Sa ngayon ay may mga kinausap na raw ang mga pulis na saksi sa nangyari. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.