2 holdaper timbog sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 11:15 AM

MANILA - Arestado ang 2 holdaper sa Quezon City matapos umatake sa isang pampasaherong jeep na pumapasada sa kahabaan ng Quezon Avenue.

Huli sina John Mark Javinal, 18, at Melvin Tormes, 19, na umamin sa krimen. 

Ayon sa mga biktima, 11:30 p.m. Biyernes nang sumakay sa jeep ang tatlong lalaki sa bandang Philcoa.

Pumasok ang 1 at sumabit naman ang 2 nitong kasamahan na wala raw pambayad.

Pagliko ng jeep sa Quezon Avenue, pumasok ang lalaking nakasabit, naglabas ng patalim at nagdeklara ng holdap.

Tatlong pasahero ang nakuhanan ng cellphone, wallet at bag na may laman na tinatayang P13,000.

Nagsumbong sa dumaang pulis ang mga biktima at kinilala ang mga suspek mula sa rogue gallery.

Sa follow-up operation ng Masambong Police nahuli sina Javinal at Tormes.

Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na kilala bilang alyas "Onyok".

Ayon sa mga pulis, miyembro ang mga suspek ng isang grupong nagre-recruit ng mga menor de edad para mang-holdap.

Dagdag pa nila, ilang beses na umanong nasangkot sina Javinal at Tormes sa holdap noong mga menor de edad pa sila.

Aminado ang 2 suspek sa panghoholdap na ginawa, ngunit iginiit na hindi sila nagre-recruit ng iba pang bata para mangholdap.

Mahaharap sina Javinal at Tormes sa kasong roberry at illegal possession of a bladed weapon. 

Nagdagdag naman ang mga awtoridad ng mga rumorondang pulis sa mga lugar na madalas pangyarihan ng holdap lalo na't inaasahang tataas ang bilang ng mga insidente ng pagnanakaw habang papalapit ang pasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.