Riot sa QC jail, sumiklab dahil sa natapon na tubig

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 08:29 AM | Updated as of Nov 03 2017 04:22 PM

Nagkagulo sa Quezon City Jail matapos magka-riot sa pagitan ng 2 gang, Biyernes ng madaling araw.

Nagkabatuhan ng mga kahoy at upuan ang ilang miyembro ng Batang City Jail at Bahala na Gang bandang alas-4 ng umaga ng mabuhusan ng tubig ang ilang bilanggo habang natutulog.

"Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil nabuhusan ng tubig yung ibang inmates dahil may isang inmate na binabangungot na nirurush sa infirmary," saad ni Quezon City Jail Warden Ermilito Moral.

"Natabig yung tubig kaya inakala nung isang grupo ay sila ay binubuhusan kaya nagkaroon ng sigawan at batuhan, naging dahilan para sila ay magkainitan," dagdag ni Moral.

Ayon kay Moral, walang lubhang nasaktan sa insidente dahil agad namang naawat ng mga awtoridad ang mga bilanggo.

Hindi bababa sa 3,416 na preso ang nakakulong sa naturang piitan.

- ulat mula kay Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.