PNP muling ipinaalala ang gun ban ngayong buwan

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 07:49 PM

MANILA - Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na may umiiral na gun ban dahil sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong buwan. 

Ayon kay Chief Supt. Valeriano de Leon, hepe ng PNP Firearms and Explosives Office, nag-umpisa ang gun ban noong Nob. 1 at tatagal hanggang Nob. 15.

Ayon kay De Leon, ipina-suspinde ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang lahat ng permit to carry firearms outside residence bilang bahagi ng latag ng seguridad para sa ASEAN Summit.

Sakop ng gun ban ang Region 3 (Central Luzon), 4-A (CALABARZON) at National Capital Region kung saan maglalagay ng mga checkpoint. 

Sinumang mahuhulihan ng baril ay mahaharap sa kasong illegal possession of firearms at iba pang kaukulang kaso dahil sa paglabag sa pinaiiral na gun ban.

Dagdag pa ni De Leon, bagama't hindi sakop sa gun ban ang mga sundalo at pulis, maaari lamang silang magdala ng baril kung naka-uniporme at may mission order.

Idaraos ang mga pagpupulong sa ilalim ng ASEAN Summit sa Metro Manila, Clark Freeport Zone sa Pampanga, at Los Baños sa Laguna simula Nob. 13.

Mga pinuno mula sa mga kasaping bansa ng ASEAN at mga dialogue partners nito ang makikilahok sa mga pulong, kung saan inaasahang tatalakayin ang mga mahahalagang usapin, kabilang ang seguridad at kalakalan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.