Nasa 6,500 bakwit mula Marawi, makababalik na

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 04:52 PM

Makababalik na ang nasa 6,500 na bakwit mula Marawi sa 9 na barangay na hindi gaanong naapektuhan ng bakbakan sa lungsod.

Ayon kay Office of Civil Defense Asec. Kristopher Purisima, mayroon nang tubig at kuryente sa siyam na barangay na babalikan ng mga bakwit.

Mga barangay na maaari nang balikan ng mga bakwit:

  • Basak Malutlut
  • Marawi Poblacion
  • East Basak
  • Luksa Datu
  • Barrio Green
  • Saber
  • Tampilong
  • Matampay
  • Pangao Saduk

Pero nilinaw ni Purisima na maku-kumpleto sa Sabado ang listahan ng mga magbabalikan sa Barangay Saber at Barangay Pangao Saduk.

Tinitiyak pa ng mga awtoridad na pawang mga lehitimong residente ang babalik sa kanilang mga barangay sa pamamagitan ng mga inisyung identification cards at batay na rin sa voters’ records ng lokal na pamahalaan.

Nabigyan naman ang mga nakabalik nang bakwit ng P5,000 cash, suplay ng relief good na sasapat sa 17 araw, at hygiene at kitchen kits.

Samantala, mangunguna ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa pagbangon ng Marawi batay na rin sa Administrative Order Number 9.

"HUDCC, in line with its mandate, shall focus on the building of communities, not just of houses. It shall ensure that basic services are available to the returning population and that commercial activity, business and livelihood will be up and running to facilitate the building of a better Marawi City,” ani Purisima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.